Biyernes, Mayo 16, 2014

Bayani, Bagani, Bayanihan, etc.

Bago namin pag-aralan ang buhay at mga gawa ni Rizal, mayroong balangkas na ipinakita sa amin ang aming propesor upang maunawaan namin hindi lang ang mga pilosopikal na gawa ni Rizal kundi pati na rin ang iba pang mga kailangan naming basahin. Paulit-ulit na sinasabi na itong kursong ito ay tungkol sa pagbabasa at pagsusulat. Ramdam ko ito, at inaamin kong hindi ako mahilig magbasa ng mga bagay na hindi ko maintindihan at mabagal akong bumuo ng ideya sa pagsusulat. Ngunit dahil sa balangkas na ito, nadalian akong magbasa at magsulat sa kursong ito.

Isa sa mga nabasa ko na hindi ko maunawaan sa simula ay ang gawa ni Sztompka tungkol sa agency, structure at social change. Napakalalim ng pananalita at gumugulo pa din sa isip ko kung bakit kailangan matutunan ito sa kursong ito. Sa pagpapatuloy ko sa pagbabasa nito at sa mga paliwanag ng aming propesor, naunawan ko na ito ay tungkol sa pagbuo ng isang bayani, at ang panahon at sitwasyon ay humuhubog sa katangian ng isang indibidwalna uusbong at magdadala ng pagbabago sa lipunan depende sa kanyang mga ideya na taliwas sa tanggap na ideya.

Napagtuunan ng pansin ang tungkol sa salitang "bayani" at kung saan galing ang salitang ito. Nalaman ko rin na magkaiba ang kahulugan ng salitang ito sa mga banyagang kahulugang ito. Kung ako ang tatanungin, ang "bayani" ay isang salita noong una pang panahon kung saan ang mga tao na may karangalan na ito ay maituturing din na matapang, matipuno at makikita sa mga epiko at mitolohiyang Pilipino na lumalaban sa mga masasama o sa mga bagay na mas malaki pa sa kanila. Dito rin ipinapakita ang pagtutulungan ng mga Pilipino na sinisimbolo ng isa sa ating salitang ipinagmamalaki natin--ang bayanihan.

Ngayon at nalaman ko na ang pagkakatugma ng mga paksa, masasabi ko na sa panahon ni Rizal siya ay umusbong upang mabago ang ideya ng mga Pilipino noon at naging dahilan upang mag-alab ang ating nasyonalismo. Ngayon naman na wala na siya at ipinagdiriwang natin siya bilang isang bayani, isa rin siyang simbolo na sumasagot hindi lang sa "Sino si Rizal?" kundi pati na rin ang "Ano si Rizal?"

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento