Biyernes, Mayo 16, 2014

Bakit PI 10?

Isa ako sa mga mapapalad na estudyante na nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral ng PI 10 ngayong summer sa pamamagitan ng prerog. Bago nangyari ito, tinanong ko ang sarili ko: Bakit ko ginugol ang panahong ito sa pag-aaral ng PI 10? Bakit nga ba kailangang mag-aral nito at saliksikin ang buhay ni Rizal? Ang sagot ay matatagpuan sa R.A. 1425.

Alam natin na si Rizal ang ating pambansang bayani, ngunit sapat na ba ang kaalaman nating ito upang magkaroon tayo ng pakinabang sa bayan?

Naalala ko ang sinabi ni Prof. Castro sa unang klase na isa sa mga layunin nitong kursong ito ay mapukaw sa ating kamalayan ang nasyonalismo. Hindi siya nabigo sa layuning ito dahil para sa akin, naramdaman ko na kaagad ito noong tinatalakay niya ang tungkol sa Pilipinas at ang estado nito noong 1950s. Ang mga pangyayaring naganap sa panahong ito ang nagdulot sa ating mga senador noon na gumawa ng batas na kinakailangang pag-aralan ang mga gawa, sulat at buhay ni Rizal. Bakit? Dahil kailangan nating maibangon ang bayan sa mga kasawiang naganap noon pagkatapos ng World War II sa pamamagitan ng pag-alab ng nasyonalismo sa mga Pilipino. At para matupad ang layunin, ang mga gawa ni Rizal ay nagbigay-daan upang maiahon ang bansa.

Sa mga kinakaharap natin ngayon, sa tingin ko tumutugma pa rin ang mehsahe ni Rizal sa ating mga Pilipino ngayon. Wala man tayong dayuhan na literal na nananakop sa atin, nawa ay protektahan at palakasin natin ang nasyonalismo na ipinaglaban nila Rizal at mga bayani noon. Magiging mahalaga ang papel nitong kursong ito upang mamulat tayo sa pagiging Pilipino natin. BOOM!

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento