Sabado, Mayo 17, 2014

Mga Gawa ni Rizal

Masasabi kong ang mga gawa ni Rizal ay isa sa mga daan upang magbago ang pananaw ng mga Pilipino noon at maging aktibo sa partisipasyon sa pagbuo ng bayan. Ang mga gawa ni Rizal ay mahalaga pa din ngayon dahil tulad ng sinabi ko sa simula, ang mensahe ni Rizal ay magagamit pa din ngayon.

Ang kanyang anotasyon sa gawa ni Antonio de Morga tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas bago at sa simula ng pagdating ng Kastila ay nagpapatunay na makulay at maganda ang ating kasaysayan at ang mga Kastila ang nagdulot ng pagtigil ng pag-unlad sa lipunan noon. Ipinakita rin ni Rizal na lumiit ang dami ng tao noon dahil sa mga walang kwentang ekspedisyon na gumastos din ng pagkalaki-laki. Naiwan tayo sa larangan ng agrikultura at komersyo dahil doon, at naging tamad daw tayo tugon ng mga prayle sa mga nangyari, na kinonta naman niya sa kanyang akda na Sobre La Indolencia de los Filipinas. Ibinalik ni Rizal ang maling pag-akusa sa atin ng mga prayle noon na tayo ay tamad na kung tutuusin ang mga dayuhang ito ay nabubuhaysa pag-utos sa mga alipin na kung ihahalintulad ngayon, matatawag silang señorito sa negatibong saysay. Sinabi niya na klima ang dahilan sa mahirap na pagtatrabaho. Sinabi rin niya na ang kawalan ng kalayaan ang dahilan kung akit sumuko ang mga Pilipino sa pagtatrabaho at namuhay sa pagsusugal at kung anu-ano pang mga bagay, patunay na hindi lamang mga Kastila ang may kasalanan kung hindi tayo rin.

Ang sulat naman ni Rizal sa mga kababaihan ng Malolos ay naglalaman sa tinatawag ngayon na "women empowerment". Dito din sa sulat na ito ipinapakita ni Rizal na hindi lang dapat manalig sa Kristyanismo, ngunit maging kritikal sa sinasabi ng mga prayle at huwag lang umasa sa mga milagro at sa mga santo at sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon kundi gumawa ng mabuti na naaayon sa mga utos ng Diyos.

Sa kanyang sinulat na Filipinas Dentro de Cien Años, tinatalakay kung saan patungo ang Pilipinas isangdaan taon mula ngayon, at ang kanyang mga prediksyon (pero hindi ang kanyang prediksyon na magiging probinsya tayo ng Espanya) ay nagkatotoo.

Sa panahon ngayon tinatawag pa rin tayo upang positibong tumugon sa mga gawa niya. Malaya man tayo, hindi pa rin matatag ang ating nasyonalismo sa iba't ibang paraan. Sana nga masabi natin kay Rizal na hindi tayo tamad at tayo ay iisa sa ating bayan, taliwas sa kanyang sinabi sa kanyang mga akda.

Kasaysayan ng Pilipinas noong 19th Century (Eto na Talaga)

Paulit-ulit na tinatalakay ang kasaysayan ng Pilipinas, simula pa noong elementarya pa tayo. Ngunit bakit nga ba natin kailangan pang pag-aralan ito? Ika nga ni Sir Guiwa, hindi na natin dapat pinag-aaralan ito sapagkat dapat alam na natin sa sarili natin ang istoryang ito, ang kahulugan at ang pakinabang ng mga pangyayari noon. Dapat ang pagmamahal sa bansa at ang paggising ng diwa ay nakatatak na sa ating puso't isipan, kung saan hindi mahalangang isaulo ang mga araw kung kailan nangyari ang mga mahahalagang pangyayari, kundi iniintindi ang implikasyon nitong mga pangyayari noon at ang maidudulot sa buhay nating mga Pilipino. Doon ko rin binigyang halaga ang "object-meaning-function" sa pag-aaral ng kasaysayan.

Binigyan ng pokus ng aming propesor ang 19th century dahil maraming mahahalagang pangyayari ang naganap dito, tulad ng mga pag-aalsa, pagbitay sa mga tao na nagbigay-daan sa rebolusyon, pagkakaroon ng bagong klase ng tao kung saan karamihan sa kanila ay nagsulong ng mga reporma, kung saan kabilans si Rizal. Naging mas mahigpit ang mga Kastila dahil sa mga pangyayari ngunit mas naging rebelde tayo sa kanila at naghangad ng kalayaan, mas lalong nagpasiklab noong namatay si Rizal noong 1896.

Ano nga ba ang implikasyon ng mga pangyayarin nito noon sa atin ngayon? Naalala ko ang sinabi ni Prof. Castro na tayo, bilang mga esudyante, ay dapat ipaglaban ang ating kalayaan laban sa iba na gustong sumira ngayon, lalo na sa mga isyung kinakaharap natin ngayon. Ipinapakita ni Rizal sa atin ang mga pang-aapi ng Kastila sa atin noong siglong ito, upang sa atin naman ngayon ay mag-alab muli ang nasyonalismo ay kumilos para sa ikabubuti ng bayan, lalo at estudyante tayo ng UP at malaki ang utang na loob natin sa bayan.

Biyernes, Mayo 16, 2014

Kasaysayan ng Pilipinas (19th Century) at ni Rizal

Nalaman na namin kung paano nabubuo ang isang bayani, at ang pag-iral nito bago pa man dumating ang mga Kastila, ngayon naman ay tatalakayin ang tungkol sa estado ng Pilipinas noong 19th siglo, ang pinakamahabang siglo dahil sa mga pangyayaring nagkaroon ng matinding pagbabago sa ating bansa. Sa siglo ring ito umusbong ang isang Jose Rizal na nag-ambag din ng pagbabagong ito noon.

May sariling dahilan ang mga dayuhan upang magtatag ng kolonisasyon sa isang lugar. Natutunan ko na ang tunay nilang hangarin ay mapalawak ang kanilang impluwensiya at makamkam ang yaman na nagkukbli sa kanilang mga pangunahing dahilan na gagawin nilang sibilisado ang mga tao sa lugar na iyon. Sa ating bansa ang dahilan naman ng pagpunta ng mga Espanyol noon ay upang maging Kristyano tayo. Naunawaan ko rin na ang kolonisasyon ay may mabuti at masama ring epekto sa atin, depende sa mga karanasan na nakatala sa ating kasaysayan. Kung hindi dahil sa kolonisasyon, hindi mararamdaman ng mga tao na kailangan na nilang pag-alabin ang kanilang nasyonalismo, o hindi na rin maghihimutok si Rizal sa mga dayuhan. Ngunit, isa sa mga masasamang epekto ng kolonisasyon ay nagdulot ito sa ating lipunan na umurong ang ating pag-unlad at naging magulo. Halos lahat ng masamang epekto ng kolonisasyon ay nakita at naranasan sa buhay niya, at ito ang naging dahilan kung bakit siya naghimutok at nagbigay-daan upang tayo ay gumising sa katotohanan.

Ipinalabas sa amin ang buhay ni Jose Rizal. Ito ang naging gabay ko sa paggawa ng autobiography. matagal ko nang alam ang masalimuot na buhay ni Rizal , ngunit ngayon ko lang nalaman ang mga tao sa likod ng pagiging dakila ni Rizal. sila ang naging daan upang maging kilala si Rizal sa lahat ng klase ng mga tao. Sa aking pagninilay dito, importante sa ating buhay ang ating mga kasama, kaibigan, lalo na ating pamilya sa pagbuo ng tagumpay sa buhay natin. sana sa ating buhay magkaroon din tayo ng pagmamahal sa bansa, tulad ng ginawa ni Rizal.

Bayani, Bagani, Bayanihan, etc.

Bago namin pag-aralan ang buhay at mga gawa ni Rizal, mayroong balangkas na ipinakita sa amin ang aming propesor upang maunawaan namin hindi lang ang mga pilosopikal na gawa ni Rizal kundi pati na rin ang iba pang mga kailangan naming basahin. Paulit-ulit na sinasabi na itong kursong ito ay tungkol sa pagbabasa at pagsusulat. Ramdam ko ito, at inaamin kong hindi ako mahilig magbasa ng mga bagay na hindi ko maintindihan at mabagal akong bumuo ng ideya sa pagsusulat. Ngunit dahil sa balangkas na ito, nadalian akong magbasa at magsulat sa kursong ito.

Isa sa mga nabasa ko na hindi ko maunawaan sa simula ay ang gawa ni Sztompka tungkol sa agency, structure at social change. Napakalalim ng pananalita at gumugulo pa din sa isip ko kung bakit kailangan matutunan ito sa kursong ito. Sa pagpapatuloy ko sa pagbabasa nito at sa mga paliwanag ng aming propesor, naunawan ko na ito ay tungkol sa pagbuo ng isang bayani, at ang panahon at sitwasyon ay humuhubog sa katangian ng isang indibidwalna uusbong at magdadala ng pagbabago sa lipunan depende sa kanyang mga ideya na taliwas sa tanggap na ideya.

Napagtuunan ng pansin ang tungkol sa salitang "bayani" at kung saan galing ang salitang ito. Nalaman ko rin na magkaiba ang kahulugan ng salitang ito sa mga banyagang kahulugang ito. Kung ako ang tatanungin, ang "bayani" ay isang salita noong una pang panahon kung saan ang mga tao na may karangalan na ito ay maituturing din na matapang, matipuno at makikita sa mga epiko at mitolohiyang Pilipino na lumalaban sa mga masasama o sa mga bagay na mas malaki pa sa kanila. Dito rin ipinapakita ang pagtutulungan ng mga Pilipino na sinisimbolo ng isa sa ating salitang ipinagmamalaki natin--ang bayanihan.

Ngayon at nalaman ko na ang pagkakatugma ng mga paksa, masasabi ko na sa panahon ni Rizal siya ay umusbong upang mabago ang ideya ng mga Pilipino noon at naging dahilan upang mag-alab ang ating nasyonalismo. Ngayon naman na wala na siya at ipinagdiriwang natin siya bilang isang bayani, isa rin siyang simbolo na sumasagot hindi lang sa "Sino si Rizal?" kundi pati na rin ang "Ano si Rizal?"

Bakit PI 10?

Isa ako sa mga mapapalad na estudyante na nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral ng PI 10 ngayong summer sa pamamagitan ng prerog. Bago nangyari ito, tinanong ko ang sarili ko: Bakit ko ginugol ang panahong ito sa pag-aaral ng PI 10? Bakit nga ba kailangang mag-aral nito at saliksikin ang buhay ni Rizal? Ang sagot ay matatagpuan sa R.A. 1425.

Alam natin na si Rizal ang ating pambansang bayani, ngunit sapat na ba ang kaalaman nating ito upang magkaroon tayo ng pakinabang sa bayan?

Naalala ko ang sinabi ni Prof. Castro sa unang klase na isa sa mga layunin nitong kursong ito ay mapukaw sa ating kamalayan ang nasyonalismo. Hindi siya nabigo sa layuning ito dahil para sa akin, naramdaman ko na kaagad ito noong tinatalakay niya ang tungkol sa Pilipinas at ang estado nito noong 1950s. Ang mga pangyayaring naganap sa panahong ito ang nagdulot sa ating mga senador noon na gumawa ng batas na kinakailangang pag-aralan ang mga gawa, sulat at buhay ni Rizal. Bakit? Dahil kailangan nating maibangon ang bayan sa mga kasawiang naganap noon pagkatapos ng World War II sa pamamagitan ng pag-alab ng nasyonalismo sa mga Pilipino. At para matupad ang layunin, ang mga gawa ni Rizal ay nagbigay-daan upang maiahon ang bansa.

Sa mga kinakaharap natin ngayon, sa tingin ko tumutugma pa rin ang mehsahe ni Rizal sa ating mga Pilipino ngayon. Wala man tayong dayuhan na literal na nananakop sa atin, nawa ay protektahan at palakasin natin ang nasyonalismo na ipinaglaban nila Rizal at mga bayani noon. Magiging mahalaga ang papel nitong kursong ito upang mamulat tayo sa pagiging Pilipino natin. BOOM!